Home

Pagiging Sirena: Banderang Hindi Tutumba

Taong 2012 nang una kong marinig ang kantang ‘Sirena’ na nilikha ni Gloc-9 habang nakasakay sa jeep kasama ang aking mga magulang. Hindi ko napakinggan nang buo at naintindihan ang kanta, akala ko nga noong una ay sirena ng ambulansya ang tinutukoy sa linyang “Ako’y isang sirena” kaya’t pag-uwi ko ay agad kong hinanap at pinanood ang music video nito sa Youtube.

Pagkatapos ng araw na iyon ay halos araw-araw ko nang narinig ito dahil unti-unti na siyang sumikat. Naaalala ko na nasa ika-limang baitang pa lamang ako noon sa elementarya ay sabay sabay na kami ng aking mga kaklase na kinakanta ito tuwing recess. Isa-isa naming sinaulo ang mga lyrics, lalo na ang rap ng kantang ito, at nagpagalingan kami kung sino ang pinakamabilis. Nakakalungkot man isipin, pero hindi yata ako ang pinakamabilis mag rap.

Hindi ko makakalimutan ang mga araw na bigla itong sumikat. Hindi lamang ito dahil sa ganda ng boses ni Ebe Dancel o sa astig na rap ni Gloc-9, pero dahil sa istorya na isinasalaysay ng kanta.

Bago pa naging patok ang kantang ito ay masasabi kong hindi pa gaanong tanggap ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa lipunan. Ito ay base sa aking obserbasyon noon. May mga kaklase ako na ginagamit na panlalait ang mga salitang “bakla” at “tomboy”, mga kamag-anak na pinagtatawanan ang kilos ng pinsan kong bata dahil hindi raw panlalaki ang mga galawan niya, mga matatanda na karaniwang sinasabi na makasalanan daw ang maging iba ang pagkakakilanlan sa sarili na hindi ayon sa kasarian, at sa murang edad ko noon ay hindi ako naging sigurado sa kung alin ang tama at mali. Pero dahil sa kantang ito ay naging maliwanag sa akin kung ano ang nararamdaman ng mga nakakatanggap ng mga pambabatikos, panlalait, at pangaabusong ito. Nakita ko ang kanilang pananaw at nararamdaman na siyang nagbigay direksyon sakin upang tanungin ang sarili ko kung bakit ba sila pilit na nilalait ng ibang tao.

Kahit may ilan nang mga kanta ukol sa homosekswalidad gaya ng “This Guy’s In love with you Pare” ng Parokya ni Edgar at “Ituloy mo lang” ng Siakol noong mga panahong iyon ay pinakatumatak pa din ang kantang ito. Isa ang kantang ito sa nagbigay liwanag hindi lamang sa akin, kundi pati na rin sa ibang mga Pilipino.

Imahen mula sa https://www.gmanetwork.com/news/opinion/content/266732/celebrating-gloc-9-s-sirena/story/

Pero gaya ng nabanggit, sa kantang ito ay isinalaysay ang pananaw ng bida sa kanta, hindi maiiwasang mapansin ang mga pinagdaanan niya bilang isang bakla.  Ayon kay Mojares sa kaniyang akdang “The History in the Text”, anumang nakasaad sa isang akda ay siyang nagpapakita ng kasalukuyang pag-iisip sa panahong iyon. Kung kaya’t sa pag-aanalisa ng nilalaman ng kanta ni Gloc-9 na ‘Sirena’ ay maiintindihan natin ang naging pananaw at pagtrato ng lipunan sa mga bakla noong panahong nailunsad ang kantang ito.

Kasaysayan Bilang Paraan ng Pag-iisip

Pananaw sa Isang Bakla

Ang kantang ‘Sirena’ ay isang pagsasalaysay ng isang karakter na bakla na nais ipakita ang tunay niyang katauhan ngunit patuloy na nilalait at inaabuso ng mga tao, kabilang na ang kaniyang pamilya. Narito ang link ng lyrics ng buong kanta. 

Kung iisa-isahin natin ang naging nilalaman ng kanta ay mapapansin kaagad ang kamalayan ng lipunan noon base sa kung paano mag-isip ang mga tao.

Una na dito ay ang diskriminasyon at pang-aabuso sa mga bakla.

Kapansin-pansin ang pisikal at emosyonal na pang-aabusong natanggap ng nagsasalaysay mula sa mga tao sa paligid niya, kamag-anak man ito o hinde. Ito ay nabanggit sa halos lahat ng bahagi ng kanta at dito umiikot ang naging pamagat na ‘Sirena’. 

Ako’y isang sirena
Kahit anong sabihin nila ako ay ubod ng ganda
Ako’y isang sirena
Kahit anong gawin nila bandera ko’y di tutumba”

Sa unang parte ng korus ay naipapakita na taliwas ang mga tao sa pagkakakilanlan ng bida sa sarili niya. 

“Drum na may tubig ang sinisisid
Naglalakihang mga braso, saki’y dumidikdik
Drum na may tubig ang sinisisid
Sa patagalan ng paghinga, sa’kin kayo ay bibilib”

Sa pahuling parte naman ay makikita ang pisikal na pang-aabuso sa kaniya ng isang tao na inilarawan sa music video bilang kaniyang ama. Makikita na mayroong pagkakataon na pinaparusahan ng magulang ang anak nila kapag bakla ito at pinipilit nilang magbago ang kanilang mga anak. 

May ilang verse na nagpapatunay dito gaya ng paglalagay ng bida ng pulbos sa mukha niya upang matakpan lamang ang pasang nakuha niya mula sa pagbubogbog sa kaniya ng kaniyang ama dahil lamang nakikita siya na nagsusuot ng damit pambabae, pagpapalo sa kaniya ng kinakalawang na tubo, at ang pinakanabanggit ay ang paglubog sa kaniya sa drum ng tubig. Nabanggit din ang aksyon na ito sa kanta ng Siakol na pinamagatang “Ituloy mo lang” na inilunsad noong 2010. Ang kantang ito ay tungkol sa naging karanasan ng isang bata na bakla habang siya ay lumalaki. Makikita na mula noon ay naging problema na ang panlalait at hindi pagtanggap sa kanila. Kabilang sa kantang ito ang mga linyang:

“Kahit lunurin ka, wala ring napala sila
Nung sabi mong ika’y sirena”

Naging pangkaraniwang katawagan na ang ‘sirena’ at pati na rin ang aksyon ng paglulunod sa tubig mula noon. Ito ay hango sa palabas ni Dolphy na “Jack and Jill” kung saan paulit-ulit na inilulubog si Jill na isang bakla sa drum ng tubig para lamang mapaamin ito na isang lalaki, pero sa huli sabi niya na siya ay hindi na  isang babae kundi isang sirena. Posibleng dito nakuha ang ideya kung bakit ikinokonekta ang mga bakla sa sirena. Subalit, makikita sa aksyong ito ang negatibong pagpaparusa ng magulang sa anak nila dahil lamang bakla ito, makikita ang hindi pagtanggap at hindi pagtrato ng tama sa kanila.

Hindi limitado sa bahay ang sakit na natatanggap ng mga miyembro ng LGBTQIA+, kundi pati sa paaralan. Ayon sa isang pag-aaral ng organisasyong Human Rights Watch, bagama’t may naipatupad nang Child Protection Policy ang DepEd na naglalayong protektahan ang mga estudyante mula sa diskriminasyon sa kanilang sekswal na oryentasyon at gender identity noong 2012 ay nakakaranas pa rin sila ng bullying mula sa kanilang mga kaklase o guro. 

Bukod sa diskriminasyon, makikita rin ang tinatawag na Gender roles kung saan may inaasahang karakteristik na dapat makita sa tao depende sa kasarian niya.

Sa kanta ay madalas mabanggit ang tungkol sa pagpansin ng iba sa mga ikinikilos niya na hindi pangkaraniwang nakikita sa lalaki, halimbawa ay ang natatangi niyang galing sa paglalaro ng chinese garter at piko. Mula dito ay masasabi na kumakapit ang lipunan sa gender roles o mga inaasahang aksyon na nakikita dapat sa isang lalaki o babae na dapat ay angkop kaniyang kasarian. Narito ang linyang naglilinaw rito:

“Pero bakit parang lahat ay nalilito pa rin
Ano bang mga problema nyo?
Dahil ba ang mga kilos ko’y iba,
Sa dapat makita ng inyong mata”

Naging pag-iisip na din noon na kapag lumipas ang panahon ay magbabalik din ang isang bakla sa tunay niyang kasarian, ang pagiging lalaki. 

Ito ay napatunayan ng linyang:

“Sa paglipas ng panahon ay di ko namamalayan
Na imbes na tumigas ay tila lalong lumambot
Ang puso kong mapagmahal
Parang pilikmatang kulot.”

Parang sinasabi rito na ang isang bakla ay inaasahang magbabago din sa paglipas ng oras. 

Ang huling kaisipan ng lipunan noon na mapagmamasdan sa kanta ay kapag lumaki na, tumanda, at nakapag-asawa ang isang anak ay agad itong umaalis sa tahanan at lumilipat sa tirahan ng kaniyang asawa. 

Screenshot mula sa https://www.youtube.com
/watch?v=3nKmv5oDzBw&list=RD3nKmv5oDzBw&start_radio=1

Kahit sa huling bahagi, kung saan nabanggit na may kanser ang ama, ay mas nainis pa ito hindi dahil sa pag-alis ng iba niyang anak o sa kanser niya, pero dahil sa kasuotan ng kaniyang anak.

Pananaw ng Isang Bakla

Bukod sa naging kamalayan ng lipunan ay imposibleng hindi mapansin din ang naging ugali ng bida na nagrerepresenta sa mga taong posibleng nakaranas din ng kaparehang sitwasyon

Una na dito ay ang hindi pagtatago ng tunay na katauhan.

Kitang-kita sa kanta ang kumpiyansa sa sarili ng nagsasalaysay. Sa korus ay tinatanggap niya ang pagiging “sirena” niya sa linyang “Ako’y isang sirena“. May dalawang nais ipahiwatig ang linyang ito at isa doon ay ang pagtanggap niya sa sarili niya bilang isang sirena-isang babaeng bahagi na ng karagatan. Sa unang rap verse naman ay isinalaysay ng bida ang kaniyang naging karanasan noong bata pa siya na hindi niya tinatago. 

Isa pang katangian niya ay ang hindi pagpapatinag sa panlalait at opinyon ng iba . Sa mga linyang “Kahit anong sabihin nila ako ay ubod ng ganda” at  “Kahit anong gawin nila bandera ko’y di tutumba”, makikita na walang kahit sinuman ang makakapagpabagsak sa kanya.

Sa pagsisimula ng kanta sa “Ako’y isang sirena” ay makikita na kinikilala at hindi tinatanggi ng nagsasalaysay ang kaniyang tunay na katauhan. Sinundan naman ito ng mga linya na nagpapakita ng pagiging matibay niya laban sa opinyon at aksyon ng ibang tao na hindi sumasangayon sa pagiging bakla niya. Naaalala ko ito sa mga taong nasa pride march, mga handang ipaglaban ang sarili nila kahit nasa gitna ng isang mapang-aping komunidad.

Kahit ilan sa mga kapatid ng bida ay umalis, ay kapansin-pansin din ang pagiging family oriented ng ilan. Matapos laitin at abusuhin ng ama ang bida ay hindi pa rin ito umalis sa kaniyang tabi. 

Hindi maitatanggi na noong pagkabata ko ay hindi gaano naging tanggap ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa bansa. Hindi rin maiiwasan noon na laitin kung hindi akma sa kasarian ang ikinikilos at ginagamit ng isang tao. May ilan mang nananatili ang kumpiyansa ay madami pa rin ang hindi nakatanggap ng hustisya at respeto bilang tao. 

Ang kanta na isinulat ni Gloc-9 na ‘Sirena’ ay naging daan upang mas malaman ko ang pananaw ng isa sa mga walang hustisyang natanggap dahil sa panlalait at pagpaparusa ng lipunan hindi lamang sa pisikal na paraan, kundi pati sa emosyonal. Dahil sa pagtangkilik at pakilala natin sa ganitong uri ng mga kulturang popular ay mas nagiging bukas ang isipan natin sa mga nangyari sa ating kasaysayan. Mas nalalaman natin kung ano ang naging pananaw ng lipunan na mayroon tayo noon, at dahil sa mga ito ay unti-unti nating maaayos ang mga kakulangan na mayroon tayo noon. Gaya na lamang ng diskriminasyon sa mga bakla, dahil sa mga kantang gaya ng ‘Sirena’ ay nalalaman natin kung aling mga pag-uugali at pag-aasal ang hindi makatao.  

Sabi nga sa kanta ng Siakol, “At kahit na ano pa ang gusto mo, basta wala ka bang tinatapakan na tao, ituloy mo lang ito!”. Kahit anong mangyari, kung ikaw ay isang Sirena, siguradong bandera mo’y di tutumba. 


Sanggunian:

Human Rights Watch. (2017, September 11). Retrieved November 23, 2020, from https://www.hrw.org/report/2017/06/21/just-let-us-be/discrimination-against-lgbt-students-philippines

Koo, K. (2012, September 24). Gloc-9 reveals inspiration behind his song “Sirena,” which tackles gay issues. Retrieved November 24, 2020, from https://www.pep.ph/guide/music/10869/gloc-9-reveals-inspiration-behind-his-song-sirena-which-tackles-gay-issues

Mojares, R. (n.d.). The History in the Text. Scribd. Retrieved from https://www.scribd.com/doc/63480008/The-History-in-the-Text

Tulfo, R. (2014, October 14). Nilunod na Sirena. Retrieved November 23, 2020, from https://www.pinoyparazzi.com/nilunod-na-sirena/

Universal Records Philippines. (2012, August 14). GLOC-9 feat. Ebe Dancel – Sirena (Official Music Video) [Video]. Youtube. https://www.youtube.com/watch?v=3nKmv5oDzBw

DD- Doraemon 🙂

Design a site like this with WordPress.com
Get started